Susubok lang!

Image

 

Andito na naman ako. Umaasa.

Siguro dala na rin ng edad at dala na rin ng isiping napapanahon na para masubukan ko namang magkaroon ng karelasyon. Totoong karelasyon.

Pero di ko alam kung dapat ko bang pagtiwalaan ang sarili ko lalo na pagdating sa kanya.

Oo. Balik na naman ako sa pag-iisip na maaring maging kami ng una kong pag-ibig. Buhay na naman sa akin ang proverbial “first love never dies”. Pero ang masaklap, gustung-gusto ko ang ipinapahiwatig niya sa akin ngayon.

Matagal na kaming nagpapatintero sa larangang ito.

Magkaibigan kami, it’s a given. Magkakilala na kami simula pa noong high school. Pwede mong sabihing semi-barkada ko siya since we are in the same circle dahil sa org na sinalihan namin. Alam ko ang ilan sa mga feats niya sa larangan ng pag-ibig. Pahapyaw man niyang nakukuwento o ipinaparating sa akin ng mga common friends namin.

Sinubukan ko ring tawirin ang boundary ng pagkakaibigan namin sa pag-asang baka kung malaman niyang may gusto ako sa kanya ay magkagusto rin siya sa akin – o maisipan niyang pwede niya rin akong magustuhan. Na nauwi naman sa isang masakit na pagtanggi sa parte niya at pagkawasak ng mundo sa parte ko. Ilang taon ding naging tahimik ang linya ng komunikasyon sa pagitan namin. Taon din ang itinakbo.

Nagbalik lang ang kung ano meron kami bago ang masaklap na pangyayari sa pagitan namin noong mga panahong naisip ko ang malaking katangahang nagawa ko. Muli, nagkita kami. Sa muling pagkikitang ito ramdam ko pa rin ang kasabikan ngunit bawas na ng higit kaysa noong malaki pa ang pagkakagusto ko sa kanya. Sakto lang ang pagbalik niya. Iyon ang panahon na totoong nag-move on na ako at naisip kong hanggang magkaibigan lang kami.

Masaya ako kasi kahit papaano naalis sa pagitan namin ang ilangan. Muli, nagbalik ang dating pagkakaibigan. Madalas na uli kaming nakakapag-usap. Bumalik ang dating pagkakaibigan. Sa tingin ko nga parang mas higit pa siya sa dating kung ano mayroon sa pagitan namin. Nagagawa na naming mag-inisan, mag-pikunan, mag-asaran, at higit sa lahat magtawanan sa tuwing nakakapag-usap o nakakapag-text kami sa isa’t-isa.

Isang taon. Dalawang taon. Sa mga panahong lumipas, mula sa simpleng pakikipagbatuhan ng salita minsan nauuwi kami sa usapang pag-ibig…

Bagong relasyon. Hiwalayan. Balikan. Muling hiwalayan. Bagong pinagkakainteresan. Pagkawala ng napipintong pag-ibig. ‘Di ko namalayan nauwi kami sa usapang baka sa pagdating ng panahon, sa dami ng pag-ibig na dumaan, aniya’y maaaring kami rin ang magkakatuluyan. Na kami ang nararapat sa isa’t-isa

Natawa ako. Natuwa. Nabigla. Napaisip.

Maaari. Sa tagal ba naman ng pagmimithi ko sa kanya noon parang naging dream come true ang proposition niyang iyon. Kung iisipin, ipinagdasal ko siya, hiniling sa mga bituin, sa buwan, sa wishing well. Matagal kong pinangarap na dumating ang panahon na maisip niyang ako ang babaeng magmamahal sa kanya ng totoo, magmamahal sa kanya ng walang pasubali.

Maaari. Kilala ko na siya. Alam kong kahit may topak, matinong tao siya. Mapagmahal sa pamilya. Alam ko kung gaano niya kamahal ang nanay niya. Katulad ng pagmamahal ko sa aking ina. Dito magkakasundo kami. Alam ko din kung paano siya magmahal. Minsan din akong naging saksi sa loyalty niya sa naging nobya niya noon. May matinong trabaho, may direksiyon sa buhay, may pangarap. Higit sa lahat alam ng lahat na pogi din naman siya, walang kokontra doon.

Pag-aalinlangan. May setback lang sa proposition na ‘to. Naisip ko rin na parang lugi ako. Parang sa kalagayang ito, last choice ako. Parang nahulog na ako ang napili niya kasi wala na siyang pagpipilian. Kumbaga nag-end of the world na at wala nang natira kundi kaming dalawa. Magiging choosy pa ba siya? Kumbaga ako yung latak na kung kailan naubos na ang magagandang parte ng buhay, wala na siyang pagpipilian kundi simutin ang mumo na naiwan.

Pag-aalinlangan. Kaya ko bang mag-settle sa usapang alam ko naman na hindi kasing tindi ng inaasahan ko ang mararamdaman ng napipintong partner ko sa buhay sa akin? Alam ko kasing madali akong mahulog ulit sa kanya. Sa naging nakaraan ko sa kanya malaki ang posibilidad na muli na naman akong mahumaling sa – kung hindi pa man nangyari na ulit ang kinatatakutan ko. Malamang jaded na talaga ako pagdating sa kanya kaya alam ko talagang malamang ‘di ko na maaasahan ang sarili ko sa pagdedesisyon tungkol sa kanya.

Kaya matindi ang dilemma kung paniniwalaan ko ba o iisipin kong paasa lang talaga siya?

Pero heto na ‘to eh. Minsan lang ‘to dumating sa buhay ko. Ang lalaking halos buong puberty period and beyond kong hinintay dumating na sa doorstep ko. Papakawalan ko pa ba ‘to?

Siguro kahit masaktan na ako at lahat, susugalan ko ‘to. Sabi nga ng ilang kaibigan ko, “it’s about time!”

Kaya ariba na ‘to! Bahala na si Wonderwoman! Arya!